Sunday, April 27, 2014

#3 At dadagdagan ko pa!

Sa pelikulang One More Chance na pinalabas pa noong 2007, makikita ang paraan ng pag-iisip at pagkilos ng mga tao sa panahong iyon. Panitikan ito sa anyo ng isang pelikula kung kaya’t sumasalamin ito ng mga pangyayari at pag-iisip sa lipunan na nakasentro sa panahong kinabibilangan nito. Makikita 'yung mga ideyal na pamamaraan sa masusing panonood nito.

Sumasalamin ito sa iba't ibang pagpapahalaga na mayroon ang isang Pilipino. Ilan nga sa mga ito ang mga sumusunod:

1. Family first

Makikita sa mga unang bahagi ng pelikula kung gaano kaimportante ang pamilya sa pagpasok sa isang relasyon. Ipinakita ng pelikula na naging maganda ang pag-usbong na kanilang pag-iibigan dahil kinilala nila kung gaano kahalaga na matanggap ng pamilya ng bawat isa ang isa't isa. Ating makikita rito kung gaano kaiba sa ibang mga lahi ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa pamilya at ang pagkakaroon ng close family ties. Madalas pa ngang sinasabi na hindi lamang pagpapakasal sa iyong iniibig ang pag-iisang dibdib kung hindi pagpapakasal na rin sa kanyang pamilya.

2. Second chances

Marahil ito ang pinakauna nating makikitang pagpapahalaga sa pelikulang ito. Mula pa nga lang sa pamagat nito, makikita mo na ito. Bilang mga Pilipino, malaki ang pagpapahalaga natin sa isa't isa na hindi ito nabubura ng isang pagkakamali lamang. Matibay ang panananalig natin na laging may pag-asa pa. Lutang na lutang ito sa pelikula kung saan nabigyan pa ng pagkakataon ang isang naudlot na pag-iibigan. Makikita rin ito sa pakikitungo natin sa kapwa. Kung may nagawang mali ang iba sa atin, binibigyan pa natin sila ng isa pang pagkakataon upang maiwasto ang pagkakamali, hindi natin kaagad hinuhusgahan o pinuputol ang anumang relasyon mayroon tayo.
Sa bandang huli, hanggang ngayon naman pinapahalagahan parin natin ang mga ganitong bagay. Tila nakatatak na sa mga Pilipino ang mga ito. Hindi nalalayo ang karanasan ng pamilya at pag-iibigan nila sa tunay na nangyayari..
Kung iisipin natin, may punto naman ang mga nais ipakita nitong materyal na ito upang lalo nating maintindihan ang lipunang ating ginagalawan.

Mga Sanggunian

http://www.boxofficemojo.com/intl/philippines/yearly/?yr=2007&p=.htm

http://www.filipinosculture.com/understanding-filipino-culture-and-family-ethics/


#2 Nasimulan na nga, kaya itutuloy ko na.

Isa sa mga unang tumatak na pelikulang romantic sa akin ang kwento nila Popoy at Basha kung saan nagsimula silang masaya, magkasama pa nga sila simula noong college hanggang sa pagtatrabaho sa isang kompanya at buong buo pa ang suporta ng kanilang pamilya sa kanilang relasyon. Ipinakita rito na nawalan si Basya ng laya sa kanyang sarili dahil sa kanilang sobrang pagkakalapit at pangunguna ni Popoy. Pinili niyang hiwalayan si Popoy upang matutunan niyang makapagdesisyon ng kanyang sarili.
Sa bandang huli, nabigyan pa ng isa pang pagkakataon ang kanilang pag-iibigan.

Inihandog ng Star Cinema noong 2007 ang pelikulang One More Chance sa direksyon ng batikan at primyadong direktor na si Cathy Garcia-Molina at sa panulat nina Vanessa Valdez at Carmi Raymundo. 
Ito nga ang pinakakumitang pelikulang Pilipino noong 2007 at umani pa ng iba't ibang parangal.

Ayon pa nga sa aking pananaliksik, mula pa noong 2007 hanggang 2013, puro kwento ng pag-iibigan ang mga naging blockbuster film sa bawat taong nabanggit. At hindi lamang iyan ang aking nasiyasat, sa taong 2007 pa lamang, hindi bababa sa sampung pelikulang naipalabas ang may ganitong genre. Ganoon na nga lamang ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa kwentong pag-iibigan.

Saturday, April 26, 2014

#1 Paano ko ito sisimulan?

Karaniwang libangan ng mga Pilipino ang panonood ng pelikula, kahit pa mahal ito. Sa loob nga ng isang taon, marami at iba't ibang mga genre ang mga pinapalabas, lokal man o international, dahil marami nga ang tumatangkilik dito. Ngunit sa kabila ng pagkakaiba-iba ng genre nito, may isang genre na nangingibabaw at madalas talagang panoorin ng mga Pilipino, sa sine man o sa telebisyon. Ito ang kwento ng romansa o pag-iibigan. Dahil nga sa pagkahilig natin dito, nagkaroon pa ito ng iba pang pagbabagu-bago tulad ng mga pelikulang romantic comedy at romantic drama.

Bakit nga ba nahilig si Juan sa mga ganitong palabas?

Ang mga ganitong uri ng palabas ang mabilis makapukaw ng damdamin ng mga manonood. 'Yung tila ramdam na ramdam natin 'yung bawat pangyayari at hindi natin mapigilan 'yung kilig na nararamdaman natin.
Kaya nga ba orihinal sa mga Pilipino ang salitang kilig, na hindi madaling isalin sa anumang wika.